Home » Headline, National Analysis

Ang kalagayan ng inaaping masa at mamamayan at pagsusulong ng kanilang pakikibaka sa 2016

21 January 2016

traposAabot sa 5.9% ang itinaas Gorss Domestic Product o GDP ng Pilipinas sa ilalim ng pamunuang Aquino III noong 2015 na nagkaroon ito ng kaliwa’t-kanang papuri mula sa mga institusyong nagpapautang at kapitalistang namumuhunan. At mula pa man noon na pinaigting pa ngayon ay aktibo ang administrasyon ni Aquino III sa integrasyon ng mga ekonmiya sa Timog-Silangang Asya, Asya-Pasipiko at buong mundo. Ibig sabihin nito ay bubuksan ng lahat na mga bansa ang kani-kanilang ekonomiya para sa kalakalan at bubuksan para sa global na kalakalan – at hindi ito totoo para sa mga mayayamang bansa. Maliwanag dito na magbubukas ang kalakalan at kompetisyon sa pagitan ng mga mauunlad at makapangyarihang bansa at mahihina at mahihirap na bansa. At sa ganitong kaayusan ay segurado na ang interes political at ekonomiko gaya na lang ng Tsina, Hapon, Amerika, Canada, Australia at iba pang mayayamang bansa ang mangingibabaw.

Subalit, ang ipinangalandakang kaunlaran ng kasalukuyang administrasyon ay hindi ramdam ng mga mamamayan. Kung araw-araw ay limang libung manggagwa ng Pilipinas ang lumuluwas sa ibang bansa ay tanda na walang seguradong kabuhayan dito. Dumami nga ang nabuksang trabahong kontraktwal naman ang kalakaran kaya hindi rin sustenable at pansamantala lamang. May 18% sa buong lakas paggawa at patuloy pang lumawak ang bilang ng mga nagsasabing sila ay naghihirap at nagugutom, may 22 hanggang 23% (23M) ng populasyon kaysa sinasabing ibababa nito sa 16% matapos ang taong 2016 ayon sa pag-aaral ng National Economic Development Authority (NEDA).

Mas nalalagay pa sa alanganin ngayon ang hindi bababa sa dalawang milyon (2M) na Overseas Filipino Workers sa Gitnang Silangan dahil sa tension sa pagitan ng bansang Saudi Arabia at Iran. Kahit sabihin pa ng pamahalaan ng Pilipinas na handa ito upang rumesponde sa sitwasyon panahong magkagulo ay walang mailatag na kahandaan ang gobyerno kung ang dalawang milyong ito ay babalik dito sa bansa. Dahil sa katotohanan naman ay ang pagpapaluwas pa rin sa ibang bansa ang iaaalok na solusyon ng pamahalaan at hindi ang kongkretong tugunan ang kawalang kabuhayan at impormalisasyon ng sektor paggawa sa bansa. Mula nang maupo si NoyNoy Aquino III, sa bawat pag-uulat sa bansa nito (State of the Nation Address) ay hindi marinig ang pagbigkas niya ng kongkretong programa para matigil o maibsan kahit papano ang pangingibang-bayan. Sa katunayan lagi nitong inilalako sa ibang bansa ang lakas-paggawa ng bansa kapalit ng mga pamumuhunan. Kaya, naiisip tuloy na sa tuwing may nalalagay sa panganib na mga manggagawa sa ibang bansa ay nababahala ang Pilipinas hindi dahil nanganganib ang mga manggagawa kundi dahil pa sa bababa ang remittances ng mga ito na hindi bababa sa $20B (Dalawang Bilyon Dolyares) kada taon. Ito ay bumubuo sa halos 10% ng pangkabuuhang taon-taong kita ng bansa. Habang hinahayaan naman ang pagpapatupad ng iskemang Kontraktwalisasyon o kawalang kaseguruhan sa trabaho, sahod at benepisyo para sa mga buong manggagawa ng bansa.

Maliban sa mga manggagawa ay ang usapin ng mga Katutubo at kanilang mga Lupaing Ninuno. Ilang mga lider ng mga katutubo, komunidad at kinabukasan na ang nasira at namatay dahil sa kapabayaan ng Pamahalaan. Una ay ang mga Katutubo sa loob ng isinusulong na teritoryo ng pinapanukalang Bangsamoro na noon pa man sa ilalim ng ARMM ay hindi man lang natikman ang kahit isang patak ng katas nitong Indigenous Peoples Rights Act (17 taon na mula nang maipasa). Isinangguni at ipinarating ng mga tribu ang kanilang adyendang maseguro ang kanilang karapatan sa Lupaing Ninuno, pagkakilanlan at mga karapatan sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at Moro Islamic Liberation Front. Subalit, ang mismong panig pa ng pamahalaan ang bumitaw sa tungkulin nito para sa mga katutubo. Hindi bababa sa 10 na ang buhay na nasawi sa mga Lumad sa teritoryong ito at para sa kanila ay dahil sa kanilang paninindigan laban sa proyektong agresyon na pumapasok wala pa man ang Bangsamoro at ang kanilang lantarang paggiit ng kanilang mga karapatan.

Pangalawa ay ang sinapit ng mga Lumad sa Agusan at Surigao na mga probinsysa. Ang kolaborasyon ng mga kapitalistang may interes sa mga yamang napaloob sa mga lupaing ninuno ng mga Lumad at Oplan Bayanihang kampanya ng Pilipinas. Iilang lider ang pinatay at patuloy na ginugulo ang mga lugar nila kaya sapilitang napalikas ang mga katutubo. Gamit dito ng armadong pwersa ng pamahalaan ay ang mga pribadong grupong inaarmasan nila upang sila ang gagawa ng pagsira at pagpatay ng kanilang sariling dugo at katribu.

Lumabas ngayon ang pagka-bulnerable ng karaniwang mamamayan sa pang-aapi, kahirapan, paglikas at sila pang nasasagasaan ng “Tuwid na Daan” ng administrasyong PNoy..

Wala kahit na katiting na interes ang pamahalaan na kongkretong maibsan ang epekto ng krisis ng klima. Ang pahayag ni NoyNoy Aquino III sa Paris nitong Disyembre 2015 sa pagpupulong ukol sa klima ay maging aktibo ang pamahalaan sa kampanya laban sa Climate Change. Subalit bago pa man at pagkatapos ng pahayag ay nag-aproba ng 45 na mga proyektong coal – ang pinamaruming pinanggagalingan ng elek na halos itinakwil na ng mfa pamahalaan sa buong mundo habang pinapabayaan naman ang mga Renewable Energy sources sa bansa. Sa katunayan, nitong nakalipas na linggo si Noy Noy Aquino III mismo ang nagbukas ng 300 MegaWatt na Coal-fired Power Plant sa Davao.

Sa kabilang banda, ang ideneklarang palpak na eksperimentong Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) na siya namang pinapanukala sa teritoryong Bangsamoro ay umani ng mga biyaya. Kaliwa’t kanang plantasyon ng Oil Palm, saging, rubber, eksplorasyong minerals at petrolyo at iba pang cash crops at pang-eksport na mga produkto at iba pang puhunang hindi bababa sa 6 Bilyones (PhP 6B) sa taong 2015 lamang ito ang pumasok sa rehiyon. Hindi pa kasama dito ang inilagak na pundo ng ga ahensya ng Pamahalaan at maging ng mga international non-government at government agencies.

Sa pag-baha ng pundong nabanggit ay naturing pa rin sa pinakamahirap na probinsya ang mga sakop ng ARMM at isa pa rin sa nangungunang pinanggagalingan ng mga manggagawang lumuluwas ng bansa. Kaya hindi maiiwasan ang mga katanungang saan at anong nangyari sa mga papoging propagandang proyekto at inisyatiba ng mga ahensya at maging nang pamunuan ng ARMM at Pilipinas.

Dagdag pa sa taong 2014, 10 sa 16 na mahirap na probinsya sa Pilipinas ay mula sa Mindanao at tatlo nito ay sa ARMM (Lanao del Sur, Maguindanao at Sulu). Sa ikatlong bahagi ng taong 2015 ay lima sa sampung mahirap na probinsya sa Pilipinas ay mula sa Mindanao at dalawa pa rin ay mula sa ARMM (Lanao del Sur at Maguindanao), isa sa Region IX (Zamboanga del Norte), isa sa Region XI (Sarangani) at isa sa Region XII (North Cotabato).

Sa pangkalahatan, ang administrasyong Aquino III mula 2010 hanggang 2016 ay bukas na kapanalig ng neo-liberal na balangkas kapitalistang ekonomiya at kontra-mamamayang pamamahala sa pulitika. At ito’y tinatawag nila na “Tuwud na daan”

Ang 2016 na Halalan at ang mga Mamamayan

Nalalapit na ang paghirang ng panibagong pamunuan ng Pilipinas. Isang pagkakataon ding sa konteksto ng ARMM at Mindanao na tingnang maigi kung paano iabante ng karaniwang mamamayan ang kanilang interes sa kapanahunan ng Halalan. Bagamat hindi lingid sa rebolusyonaryo at progresibong grupo na napakarumi ng burgis na halalang ito. Magsilbing mabigat na hamon ito para ipaglanan ang interes at kapakanan ng bayan.

Nakikitaang nawalan na ng bisa ang popularidad at kakayahang mag-endorso pa si Ginoong Benigno Simeon Aquino III o ang administrasyon – patunay ang patuloy na kulilat na lagay ni Mar Roxas ang kandidato ng ruling administration coalition (LP-Akbayan-Amin, etc) sa mga poll surveys. Mas mataas pa ang popularidad ng pinakahuling nagdesisyong tumakbong si Rodrigo Duterte ng PDP-Laban at mas nanatiling nangunguna pa rin sina Jojo Binay at Grace Poe kahit binabayo ito nga kaliwa’t kanang hamon at diskwalipikasyon ng kanilang kandidatura.

Sa lokalidad naman ay hayag na ang iba’t-ibang grupo ng mga pulitiko na mas may control sa mga boto kaya ang mga pambansang pulitiko ay kanya-kanyang panliligaw sa mga local na dinastiya. Pagnanais ng liderato sa Liberal na ang kanilang kandidato ang mananalo upang ituloy ang kaligtasan sa batas at kaso nito ng mga sangkot sa bawal na PDAF at DAP (Pork Barrel) lalo na si NoyNoy Aquino, Florencio Abad at iba pang nasa liderato ng Partido Liberal.

Sa mga komunidad ay maliwanag na nakikita at nalalaman ang politika ng mga angkan, pera ng druga at gwardiyang de baril. Kasama na dito ang paggamit ng mga nasa katungkulan sa programa at serbisyong Pantawid ng Pamilyang Pilipino Program (4Ps); PhilHealth Program at Bottoms Up Budgetting upang imanipula at kontrolahin ang mga botante sa kanilang panig.

At ang tuwid na daan maging ang bilyones na repormang propaganda para sa ARMM ay transisyon lamang mula sa mga tradisyunal na angkang pulitiko tungo sa isa pang pangkat ng tradisyunal na pulitiko.

Bilang pagbigay dagdag diin, ang halalan ay hayag na larangang marumi at reaksiyonaryo, subalit isa ito sa mga larangan na pwedeng iabante at itaas ang antas ng mga konsolidado at organisadong pwersa ang kanilang demokratikong interes at maging ang sumabak na kahit sa gitna ng kapitalistang paghahari ay makapagsulong sa mga pakikibakang masa.

Isang mainam ang pagkakataong ito upang magkaroon ng espasyo ang malawak na progresibo at mulat na masa para isulong ang demokratikong pakikibaka at interes.

Pagkakataon din ito upang ang mga progresibo at rebolusyonaryong pwersa sa Mindanao at buong Pilipinas ay magbalik-tanaw sa kanya-kanyang mga programa at aksyon sa panahong mas malakas ang agos ng kapitalismo sa bansa.

Bilang mga alternatibong agos ay inaasahan tayo ng mga manggagawa, maralitang-lunsod at nayon, magsasaka, mga minoriyang Moro at Lumad at ng buong uring inaapi na maging katuwang sa kanilang mga pakikibaka sa antas ng reporma at iugnay sa kabuuhang katuparan ng rebolusyonaryong tagumpay. Ang ating istilo at pamamaraan ng pagkilos ay nararapat na naayon sa obhetibo at subhetibong kondisyon at kapasidad.

Ang iba’t-ibang porma ng pakikibaka ay nararapat lamang na magkaugnay at magka-komplementaryo sa isa’t-isa ayon sa kongkretong kalagayan at kondisyon. Ikonsidera sa lahat ng pagkakataon at lugar na itong lahat ay para sa kapakanan at interes ng nakararaming masa at uring inaapi nang hindi mapariwara sa kumunoy ng repormismo at pagkabangkarute sa pagkilos at pag-iisip. (SMSS)

Comments are closed.