Ibayong Lakas sa Pagsulong ng Sosyalistang Rebolusyon
Isang pagtitipon ng Revolutionary Peoples’ Army (RPA) – National at Regional Operational Commands ang ginanap nitong buwan ng Disyembre 2015. Ang pagtitipon ay nailunsad sa isa sa mga kampo ng RPA sa Timog-Gitnang Mindanao. Ipinatawag ng National Operational Command (NOC) ng RPA ang nasabing pulong upang kolektibong tingnan at aralin ang kalagayan ng Mindanao at Pilipinas lalo na nitong papalapit ang Halalang 2016 at sa konteksto ng pagkaantala ng panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) at sa kabuuhan maanalisa ang naabot na antas ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Pamahalaan ng Pilipinas (GPH) at Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ayon kay Ka Raul Faustino ng RPA-NOC, “mainam at epektibo ang ating rebolusyonaryong kilusan at pakikibaka kung itoy mahigpit na maiugnay sa armadong pakikibaka at sa pabago-bagong konteksto at kalagayan ng lipunan. Sa ganitong konteksto mahalagang mailunsad ang pulong ng NOC ito kasama ang Pambansang Komand, mga Rehiyonal na Komand, Liderato ng Yunit-Partisano, Liderato ng Katuwang na mga Pwersa, Komand ng mga Yunit Gerilya ng RPA; Kinatawan ng Komite Sentral ng Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa-Mindanao; at iba pang organo ng Partido. Napakahalaga ang kolektibong pag-aaral at pag-aanalisa sa mga kalakasan at ang kahalagahan ng Armadong aspeto ng ating rebolusyonaryong pakikibaka sa pagsulong ng mga demokratikong interes at kahilingan ng masa at uring manggagawa sa kapanahunan na mas nangingibabaw ang paghaharing kapitalismong Sistema at balangkas sa lipunan.”
“Iniulat ng mga pulang mandirigma at komanders kasama sa pulong na ito ang paggampan ng tungkulin kanilang bilang mga rebolusyonaryo sa pagpapatupad at pagsulong sa transisyonal na programa ng Sosyalistang rebolusyon sa iba’t-ibang larangan,” dagdag ni Ka Raul.
“Gaya ng mga tagumpay sa pag-ekspand sa Silangang Mindanao sa pamamagitan ng mga kadre at kasamahan mula sa Hilaga-Kanlurang Mindanao (NWMR) na rehiyon, mas lalo pang tumatatag mula sa mga karanasan ng pagpapalakas at pagpapalawak ng kilusang rebolusyonaryo. Napakahalagang magagap ng mga kasama sa RPA at maging sa RPM-M ang pagka-pleksible base sa kongkretong kalagayan at nailuluwal na pagkakataon na gumampan sa rebolusyonaryong tungkulin sa masa at buong uring inaapi ” sabi ni Ka Anzelmo Guerero ng Komite Sentral ng RPM-M.
Dagdag pa ni Ka Anzelmo na, “narating na rin natin ngayon ang iilang komunidad sa Luzon at Visayas habang pinapaunlad natin ang mga proyektong kooperasyon sa iba pang rebolusyonaryong pangkat at tanda ito na buhay at tumpak at wasto ang direksyon ng ating Partido sa gitna ng mga hamong kinaharap nito at banta mula sa ibang grupo at estado. At malaki ang ambag ng armadong porma ng pakikibaka sa paglawak na ito. Ang mga kasamang Organisador-Partisano at Gerilya sa RPA ay susi upang sangkapan ang masa sa kamulatan at kakayahan sa mga naabot na lugar. Katuwang din ang mga kasama sa pag-organisa sa mga biktima ng kalamidad sa Timog-Silangang at Hilaga-Silangang Mindanao at maging sa Visayas. Dito sa praktika natin natutunan na ang mabangis na porma ng rebolusyon ay hindi kailangang manatiling sa antagonistikong porma lang pumapel o lumahok habang hindi pa matingkad ang komprontasyon ng mga uri sa lipunan.”
Ayon kay Magar Salvador, ang taga-pangasiwa ng Politico-Militar Academy (PMA) ng RPA-South Central Mindanao “nalampasan natin ang mga banta mula sa mga reaksyonaryo, repormista, bandido at kontra-rebolusyonaryong mga pwersa sa ating lugar na ginagalawan nitong taong 2015. Mas naabot natin ang North at South Cotabato at iilang bahagi ng Davao region na tanda ng ating paglawak at pagtanggap ng mga demokratikong pwersa sa mga lugar na ito. Nagpapasalamat din tayo sa mga kasamahan sa Partido sa patuloy na suporta at paggabay sa ating hukbo.”
Ayon sa pagsumada ni Ka Elias Tuduk na Panrehiyonal na Komand ng RPA-SCMR, “mas naging mahirap ang pinagdaanan nitong taong 2015 dahil sa debate ng pakikibaka sa Sariling Pagpapasya ng Bangsamoro at kailangan nating punuan ang puwang ng mga impormasyon hinggil dito. Nagbunga ng hindi pag-uunawaan at tila nanunumbalik ang mga kawalang-tiwala sa isa’t-isa sa mga komunidad. Napag-alaman na mga kasama sa pulong na malawak sa mga masang Moro ay hindi lubusang nauunawaan at naiintindihan ang prosesong pinagdadaanan ng pag-uusap hinggil sa kapayapaan ng kanilang grupo at ng estado. Sa mga inilunsad ng itinatag na mekanismo ng Pamahalaang Pilipinas at MILF upang ilunsad ang mga konsultasyon ay mariing ipinaparating ng mga non-Moro at Moro Lumads ang pangamba nila sa kanilang mga karapatan kung sa mismong laman ng BBL ay hindi maliwanag ang mga relasyon.”
“Ang RPA naman simula’t sapul ay ginagamit lamang ang armas na politika at militar para sa kapakanan at karapatan ng mga inaapi, maging isa itong mamamayang minoriya o uring api sa loob ng isang lipunan, kaya ang dating paninidigan sa debate ng Sariling Pagpapasya ay maliwanag pa rin. Suportado natin ang pakikibaka ng Moro bilang mamamayang inaapi subalit sa loob mismo ng lipunang Moro ay tumitingkad ang maka-uring pang-aapi hindi pa dito kasali ang kaapihang danas ng mga Lumad bilang mamamayan at maging ang maka-uring tunggalian sa loob ng lipunang Lumad. Ang mga pulang mandirigma ay nasa aktibong-depensa sa ngayon upang pangalagaan at ipagtanggol ang mga naaaping komunidad at mamamayan,” dagdag ni Ka Elias.
Ibinahagi rin ni Rey Santos ng Yunit-Partisano ng RPA sa Hilaga-Kanlurang Mindanao (NWM) ang kanilang mga gawaing political bilang mga armadong pwersa ng rebolusyon, “maingat at matagumpay namang nagampanan ng mga kasama sa Hilaga-Kanlurang Mindanao ang pagtulong sa mga pakikibakang reporma sa lupa at pagsulong sa maka-kalikasang agrikultura. Matagumpay ding nagampanan ng mga kasama sa RPA Partisano at Gerilyang Yunit ang pagpapatupad ng mga gawaing pulisya laban sa mga gawaing kontra-sosyal, mapang-abusong pulitiko, kapitalista at mga galamay nito na naghahasik ng kalupitan sa mga magsasaka, maralita at manggagawa sa mga naturang lugar at pag-aayos ng mga away-angkan (rido). Kahit Malaki ang banta ng kolaborasyong pulitiko-kapitalista-pwersang militar laban sa atin ay hindi naging hadlang ito sa paglunsad ng mga konsultasyon sa usaping halalan ngayon at mga demokratikong karapatan ng masa at pagtupad sa ating rebolusyonaryong tungkulin.”
“Partikular nating karanasan sa pagsulong sa maka-kalikasang agrikultura at mga edukasyong elektoral ay naging dahilan pa upang maglunsad ng operasyon ang pwersang military ng estado. Sa kasalukuyan, ayaw nating direktang komprontahin ang pwersa ng estado sa kadahilanang ang mga komunidad din ang mas maapektuhan,” dagdag ni Ka Rey.
“Nakapaglunsad tayo ng iba’t-ibang pagsasanay na hindi lang limitado sa militar na kakayahan. Tampok din ang mga mahahalagang talakayan at pag-aaral gaya ng Karapatan sa Sariling Pagpapasya at mga Pakikibaka ng mga Minoriyang Mamamayan gaya ng Moro at Lumad; Kalikasan at ang mga Lupaing Ninuno; Pakikibakang Agraryo; Pakikibakang Masa at Iba’t-ibang Porma dagdag sa pagsulong nito; Mga Pangunahing Tools of Analysis at mga Prinsipyong Marxista at Leninista; Malalimang Talakayan sa Relasyon ng mga Uri sa Rehiyon; at ang malalimang pagtalakay sa Politiko at Militar na Oryentasyong gabay ng RPA sa pagsusulong ng Sosyalistang Rebolusyon, at marami pa. Sa kabuuhan mula buwan ng Oktubre ng 2015 ay may hindi bababa sa 500 (Limang Daan) ang nagsipagtapos sa mga pagsasanay na ito ng PMA hindi pa naisali dito ang inisyatiba ng local na mga Komand ng RPA ” dagdag ni Ka Magar.
Nang kunan ng pahayag ang Panrehiyonal na Kalihim ng Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa – Mindanao sa South Central Mindanao na si Ka Krishna Bituin, “ang Partido at ang RPA ay nagtulungan at kombinsido na kailangan nating sangkapan ang mga pulang mandirigma at kahit ang buong kasapian ng Partido upang mas mahigpit pang mapanghawakang ang ating mga tungkulin sa rebolusyon lalo na sa masa at uring manggagawa. Araw-araw dapat ay handa ang militante at rebolusyonaryong pwersa sa pagtugon sa mga tungkulin nito at pangangailangan ng pagkakataon. Hindi pa man matingkad ang antagonistikong komprontasyon sa pagitan ng Partido at pwersa ng Estado ay nahaharap tayo sa mga particular na kondisyon sa ating komunidad at lipunan na pinangingibabawan pa ng reaksyonaryong kaisipan at sistema” dagdag pa na punto nito.
“Partikular sa pag-uusap MILF at Pamahalaan ng Pilipinas hinggil sa kapayapaan dapat maunawaan ito ng ating hanay at lahat ng komunidad na hindi tayo tutol na makamtan ang kaganapan ng Karapatan sa Sariling Pagpapasya ng Bangsamoro at dapat itong suportahan. Mahigpit lamang nating nililinaw na hindi rin ito magdulot ng pagsantabi at hindi pagrespeto sa Karapatan ng iba pang minoriyang mamamayan. Higit sa lahat ay ang makinabang dapat sa mga bunga ng pakikibakang ito ay ang mga masa ng Bangsamoro. Sa konteksto naman ng papalapit na halalan sa Mayo 2016, ang mga inilunsad na mga konsultasyon at pag-aaral sa mga komunidad na pinangungunahan ng mga kasama sa RPA ay malaking bagay ito para maihanda ang masa sa pagmaksimisa ng halalan upang maigiit ang kanilang mga demokratikong karapatan at mapangibabawan nito ang sitwasyon” paalala ni Ka Krishna.
“Binabati natin ang Pambansang Komand at lahat na mga organo ng RPA, ng RPM-M at buong kasamang masa at mga alyado sa mga tagumpay at paglunsad ng iba’t-ibang pagkilos pagkonsolida, pagpapatatag at pagpapalawak. Ang mga ito ay mahalagang ambag sa ating pagganap sa ating tungkulin bilang katuwang ng mulat na masa at pagpapamulat pa upang maiwasang ang mga aping uri ang mismong maglalaban-laban at magkaroon ng panahon ang mga oportunistang agawin sa kamay ng masa ang tagumpay na sana ay bunga ng dugo ng mga martir ng rebolusyon para sa Pagsasarili at pagpapalaya sa buong uring inaapi ” pahabol naman ni Ka Joshua Domingo mula sa Komite Sentral ng RPM-M.
Natapos ang pagtitipon sa isang Kanduli ng Pasasalamat at dagdag na lakas sa ibayong Pagsusulong sa Sosyalistang Rebolusyon sa taong 2016! (SMSS)