Home » Featured, Headline

MAGKATUWANG NATING KAMTIN ANG INGKLUSIBONG AT SUSTENABLENG KAPAYAPAAN

24 December 2016

Ang Peace Panel at buong kasapian ng Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa – Mindanao (RPM-M) at Revolutionary Peoples’ Army (RPA) ay bumabati ng REBOLUSYONARYONG KAPAYAPAAN sa lahat na delegado ng ika-8 Mindanao Peoples’ Peace Summit.

Una sa lahat humihingi ng paumanhin ang ating Partido na hindi tayo nakapagpadala ng personal na kinatawan sa mahalagang pagtitipong ito.

Ganun pa man ay kinikilala ng Partido ang ating pagtitipon bilang mahalaga at makasaysayang hakbang sa paghubog ng ating kolektibong kinabukasan. Naniniwala ang Partido na sa lahat nang usapin at diskurso hinggil sa kapaayapaan ay sentro ang direktang partisipasyon ng mga komunidad at mamamayan.

Nang magdesisyon ang ating Partido na pasukin ang larangan ng Usapang Pangkapayapaan noong taong 2003 sa panahon ng administrasyong Arroyo ay gabay natin ang balangkas ng pag-uusap na ang pinaka-mabigat na stakeholder o partido ng usapan ay ang mga mamamayan. Para sa ating Partido ang prosesong pangkapayapaan ay dapat ispasyo upang ang mga pinagsasamantalahang uri at mamamayan ay magkaroon ng pagkakataong maipanalo ang kanilang mga demokratiko at pang-ekonomiyang karapatan, makamit ang sustenableng kaunlaran, panlipunang hustisya at Karapatan sa Sariling Pagpapasya kahit sa gitna ng paghahari ng dominanteng sistema sa kaslukuyan

Naniniwala ang ating Partido na ang Kapayapaan ay makakamit lamang kung: una, magkaroon ng mga substansyal na hakbang upang matugunan ang mga demokratikong karapatan ng mga mamamayan, maisakatuparan ang karapatan sa Sariling Pagpapasya, paghilom sa mga inhustisya ng kasaysayan at ang pagseguro na ang kalikasan ay hindi wasak at mapreserba ito para sa sustenableng kaunlaran; at pangalawa, substansyal na kalahok ang mga demokratikong pwersang panlipunan, mga komunidad at mga mamamayan (tri-people) sa buong prosesong bukas sa lahat na mga peerspektiba. At paehong maiugnay sa katuparan na kaunlaran at kapayapaan.

Nagpasya ang ating Partido na itigil ang pakikipag-usap sa administrasyong Arroyo dahil sa kwestyon ng lehitimasya ng pamumuno nito. Hindi natin masikmurang makipag-usap sa isang rehimeng balot ng anomalya at kurapsyon sa pag-upo. Ngunit, patuloy nating pinanghahawakan ang diwa at esensya ng napirmahang Kasunduang Tigil-Putukan (Ceasefire). Ang mga kasama sa RPA ay kalahok sa kasalukuyan sa pagsegurong maorganisa ang mga demokratikong pwersa at mas masangkapan ang mga komunidad sa mga kakayahang magsulong sa kanilang mga karapatan. Hindi natin kailanman binitawan ang armadong porma mula nang tayo ay humiwalay sa naunang partidong ating kinabibilangan ngunit mas binuksan natin ang iba’t-ibang mukha ng pakikibaka tungo sa lipunang mismo ang mamamayan ang nagpapanday.

Sa ating pagrerebolusyon, lagi nating dala-dala ang oryentasyong hindi lang tayo nakikipag-usap bilang nagrerepresenta sa mga inaapi kundi tayo ay bahagi ng mga inaapi at tayo ay bahagi ng mga instrumento upang wakasan ang pang-aapi at pananamantala. Kaya ang mekanismong “Barangay Peace Consultations” upang ang mga mismong komunidad ang maglalatag ng kanilang mga demokratikong demanda at usapin ay mahalaga sa ating pakikipag-usap sa pamahalaan ng Pilipinas. Gaya ng mga pagtitipong ito, mahalagang ang ating isinusulong ay hindi nakatali sa pampartidong interes o maging sa sistemang mapang-api na nirerepresenta ng Estado. Dahil sa muli, una sa lahat kaya tayo nakikibaka dahil sa kalagayan ng mga inaapi at pinagsasamantalahan. Ang ating pakikibaka ay hindi natin ginagawang rason upang magdikta ng ating adyenda at umastang tanging boses ng nila.

Partikular sa pakikibaka sa Sariling Pagpapasya ay inaral at inunawa ang buhay at tunay na pakikibaka ng mga Lumad at Moro ng ating Partido. Lumubog po tayo sa mga komunidad at nakikipag-ugnayan sa mga istrukturang tradisyonal. Kaya, malalim nating nauunawaan ang mga pakikibaka sa sariling pagpapasya at lupaing ninuno ng mga mamamayang ito. Noon pa man ang RPM-M ay katuwang na ng mga Lumad at Bangsamoro sa pakikibaka para sa Sariling Pagpapasya.

Maliwanag para sa RPM-M na habang may pananamantalang dinaranas ang buong inaaping uri na sabay nating ginagapi ay may partikular din na pakikibaka bilang mamamayan ang Bangsamoro at Lumad kaharap ang pambansang pananamantala. Sa ating karanasan kinikilala ng ating rebolusyonaryong kilusan ang mga ito at sana ng iba pang mga kilusan. Nagkaroon ng mga kasapi sa kilusan na Moro at Lumad ngunit hindi natin layunin na diktahan at pangibabawan ang pagsusulong ng kanilang pakikibaka bilang mga mamamayan.

Sa kasalukuyan, bitbit ang oryentasyong pagsangkap sa mga mamamayan at demokratikong pwersa ng lipunan sa pagsusulong ng kanilang mga karapatan ay katulad din ninyo ang RPM-M na ang pinaka-esensya ng PARTISIPASYON ng mga MAMAMAYAN at KOMUNIDAD ang diwa ng prosesong pangkapayapaan ang ating isinusulong. Walang tigil ang buong Partido at ang mga kasamang Rebolusyonaryong Hukbo ng mga Mamamayan (RPA) sa pagsusulong para sa kagyat na mga tagumpay at pagpapalawak at pagpapalakas sa mga rebolusyonaryong kilusan sa iba’t-ibang larangan.

Ang INGKLUSIBONG KAPAYAPAAN ay maging ganap lamang lalo na sa konteksto ng Mindanao kung may pagbalik-tanaw sa kasaysayan kasabay ang pagwawasto sa mga kamalian sa kasaysayan – ang diwa ng Kapayapaang nakabatay sa Hustisya na mahalagang maitagpo ito sa kasalukuyang mga pagsusulong.

Sa pagbukas ng administrasyong Duterte sa pakikipag-usap sa mga rebolusyonaryong grupo ay mahalagang tingnan ng mga social movements gaya ninyo na maipihit, maigiit at maisulong ang adyenda ng mga sektor, mamamayan at komunidad.

Kung magkakaroon man ng muling pag-uusap sa pagitan ng ating Partido at administrasyon Duterte o sa iba pang mga administrasyong darating ay hinihimok namin kayong aktibong lumahok sa buong proseso at makakaasa kayong katuwang ninyo kami sa pagsusulong ng inyong mga adyenda.

Maging mapagmatyag pa kayong lalo at kolektibong magsulong sa inyong mga demokratikong karapatan at huwag hayaang ang pagkakaiba sa kultura at pagkakakilanlan ang magwasak sa inyong pagkakabuklod.

Hinahamon din natin ang administrasyong Duterte na makinig sa mga karaingan ng mga mamamayan at tugunan ang mga demokratikong karapatan ng mga ito sa balangkas man ng usapang pangkapayapaan o sa iba pa.

Bilang pagwawakas, maari po ninyong ipadala ang inyong mga dokumneto kung mayron (maliban sa mga paglahok sa mga konsultasyon) sa pamamagitan ng taga-organisa ng pagtitipong ito.

Mabuhay ang Bangsamoro! Mabuhay ang Lumad! Mabuhay ang Mamayang Migrante! Mabuhay ang Sambayan!

Dakilain natin ang ating mga martir sa iba’t-ibang porma ng pakikibaka!

Sa muli, Rebolusyonaryong Pasasalamat!

Sa pangalan ng RPM-M Peace Panel at buong RPM-M at RPA,

SGD

Armando Orbis

Chairperson

RPM-M Peace Panel

Comments are closed.